MANILA, Philippines - Nagpatupad kahapon ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ilang mga kompanya ng langis bilang pagsunod sa dikta ng presyuhan sa internasyunal na merkado.
Sa ipinadalang advisories, umabot sa P.50 sentimos kada litro ang itinaas sa presyo ng regular na gasolina ng mga kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation, Chevron Philippines at independent player Seaoil Philippines. Itinaas rin naman ng P.25 sentimos kada litro ang presyo ng kerosene ng naturang mga kompanya.
Mas katiting naman na P.35 sentimos kada litro ang kanilang ibinaba sa presyo ng premium at unleaded gasoline habang walang ginawang paggalaw sa presyo ng diesel.
Ikinatuwiran naman ng naturang kompanya na tumaas ng $1 dollar kada bariles ng krudo sa Mean of Platts Singapore (MOPS) na pinagbabatayan ng lokal na kompanya sa presyo ng ibinebentang langis
Inaasahan naman na susunod na rin ang ilan pang mga maliliit na kompanya ng langis sa panibagong price adjustment makaraang kumpirmahin ng Department of Energy ang pagtaas ng langis sa pandaigdigang pamilihan.