MANILA, Philippines - Lumipad buhat sa Skyway sa South Luzon Expressway ang isang pampasaherong bus makaraang mawalan ng kontrol at bumagsak sa ibabang kalsada sanhi ng agad na pagkasawi ng driver at dalawang pasahero, habang apat pang katao ang malubhang nasugatan, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Parañaque Medical Hospital ang nasawing si Joven Justo, 31, driver ng Dimple Star Transport bus na biyaheng probinsya at pasaherong sina Anthony Abara at Lorenzo Gappo.
Isinugod sa Florencio Bernabe Sr. Memorial Medical Hospital ang sugatang konduktor na si Jonathan Alevar, habang sa South Superhighway Medical Center naman dinala ang tatlo pang pasahero na sina Rene Mendez Jr., Catherine Joson, at Frisco Heraldo.
Sa ulat ng Skyway Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa elevated Skyway sa bahagi ng Marcelo Green Village sa naturang lungsod. Binabagtas ng bus ang southbound lane patungong Alabang sa Muntinlupa City nang mawalan ng kontrol sa behikulo ang driver na si Justo at diretsong nalaglag sa “west service road”.
Tumatakbo umano ng 60 hanggang 70 kph ang naturang bus sa kabila ng malakas na hangin at ulan hanggang sa mawalan ng kontrol.
Tuluyang nagkadurug-durog ang unahan ng naturang bus sa pagbagsak nito sanhi ng kamatayan ni Justo na nadurog ang ulo at katawan habang dalawa pa nitong pasahero ang nasawi.Sinabi ni Ed Nepomuceno, tagapagsalita ng Skyway na kanilang pag-aaralan ang video footage ng naturang aksidente upang mabatid ang tunay na pangyayari.