MANILA, Philippines - Bagama’t malayo pa ang halalan, 59 na flying registrants ang nabuking matapos na ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang application for registration.
Kamakailan ay iprinisinta ni Bgy. Chairman Domingo Vacal kay Manila Mayor Alfredo Lim ang listahan ng mga sinasabing botante na ibinasura ng Comelec.
Nabatid na ang 59 na mga flying registrants ay nagsumite lamang ng police clearance bilang patunay ng kanilang paninirahan sa Brgy. 262, Zone 25.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Vacal ang 59 hanggang sa dumaan sa pagdinig at imbestigasyon ng Comelec.
Lumitaw naman sa imbestigasyon ng Comelec na hindi residente ang 59.
Paniwala naman ni Vacal posibleng pakana umano ito ni 1st Kagawad Sencio Lagamayo at siyam na iba pa.
Kasabay nito, nanawagan naman si Chief of Staff at Media Bureau Chief Ricardo “Ric” de Guzman kay Comelec Chairman Sixto Brillantes na amyendahan ang resolusyon kung saan inoobliga ang mga botante na magpakita ng kanilang Identification Card.
Ito’y kaugnay na rin ng plano ng Comelec na linisin ang komisyon mula sa mga listahan ng botante.