MANILA, Philippines - Umakyat na sa higit 3,000 katao ang nahuhuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang anti-smoking campaign tatlong linggo matapos ipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila.
Nabatid na umaabot sa kabuuang 3,056 na ang nahuhuli ng MMDA sa huling tala nitong Hulyo 23 kung saan 220 dito ay pawang mga babae.
Pinasalamatan naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang Department of Health sa pagbibigay ng buong suporta nito sa kanilang kampanya.
Ang mga kinatawan ng DOE ang nagsisilbing “Co-Chairman” ng Inter-Agency Committee na nagpapatupad ng “smoking ban campaign” base sa Tobacco Regulation Act.
Ipinaliwanag ni Tolentino na ang kampanya ay hindi upang harangin ang karapatan ng mga “smokers” ngunit upang protektahan ang karapatan naman ng mas nakakaraming “non-smokers” sa Metro Manila.
Ang kampanya ay suportado rin ng Philippine Medical Association, Health Justice, University of the Philippines-College of Law Development Foundation, DOH at ng 17 lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan.
Bukod sa Tobacco Regulation Act, ipinatutupad rin ng MMDA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board 2009 memorandum circular na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng pampasaherong sasakyan at mga terminal.
Kasama rito ang loob ng mga pampasaherong jeep, bus, tricycle, paaralan, ospital, bars at mga restoran.
Base sa pag-aaral ng Global Adult Tobacco Survey (GATS), nasa 17.3 milyong Filipino ang naninigarilyo habang nasa 6 milyon naman ang apektado ng “second hand smoke”. Sa pag-aaral naman ng National Statistic Office Family Income and Expenditure Survey, nasa P4 bilyon ang ginagastos ng mga taga-Metro Manila lamang sa pagbili ng sigarilyo at iba pang produktong tabako kada taon.