PNP naka-full alert sa SONA
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang lahat ng ipatutupad na seguridad ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagdaraos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino sa Lunes (Hulyo 25).
Sinabi ni NCRPO chief P/Director Alan Purisima, umpisa sa Linggo (Hulyo 24), mula sa heightened alert ay full alert status na ang ‘Super Task Force Kapayapaan’ na titiyak ng mapayapang pagdaraos ng SONA.
Aabot sa mahigit 7,000 pulis at 300 namang sundalo ng AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) ang idedeploy sa mga istratehikong lugar sa nasabing okasyon.
Ang mga pro-Aquino rallyists ay maaring magdaos ng kanilang aktibidad sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa harapan ng gusali ng Commission on Audit (COA), habang ang mga anti-government ay pinahihintulutan namang magprotesta sa Quezon Memorial Circle kung nabigyan ang mga ito ng permit para mag-rally.
Samantalang magkakaroon rin ng traffic re-routing scheme sa Lunes na kinabibilangan ng pagbubukas sa buong araw ng southbound stretch ng Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang apat na lanes naman ng Commonwealth Avenue southbound ay ookupahin ng northbound vehicles mula Shopwise U-turn slot hanggang ang San Simon U-turn slot para maging normal ang daloy ng trapiko para sa lahat ng uri ng behikulo at bubuksan muli ang northbound area matapos ang pagdaraos ng SONA.
Sa Commonwealth northbound, ang lahat ng mga northbound PUB’s PUJ’s at iba pang mga motorista ay dapat lumiko sa kaliwa ng Shopwise U-turn slot at dumaan sa southbound counterflow hanggang sa marating ang San Simon U-turn slot, kumaliwa at dumaan sa northbound.
- Latest
- Trending