Jeepney drivers na sasama sa tigil-pasada, kakasuhan
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si National Council for Commuters Protection (NCCP) president Elvira Medina na sasampahan nila ng kaso sa korte ang sinumang jeepney driver na sasama sa pinapuputok na tigil-pasada kapag natuloy ang sinasabing bagong pagtataas sa presyo ng diesel ngayong linggo.
Ipinaliwanag ni Medina na labag umano sa isinasaad ng kanilang prangkisa ang sadyang pagtigil sa kanilang pamamasada kaya maaari nilang kasuhan ang sinumang gagawa nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) o maging sa korte.
Hindi na umano tama ang ginagawa ng mga lider ng mga transport groups na mananakot sa publiko at sa pamahalaan na titigil sa pamamasada sa tuwing magkakaroon pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Sinabi pa nito na may mga tao umano ang NCCP na nakakalat sa mga kalsada sa oras na magsagawa ng kilos-protesta ang mga transport groups at kanilang makukunan ng video o larawan ang sinumang driver na titigil sa pamamasada at manghaharang ng kapwa nila mga tsuper upang makasuhan ang mga ito.
Hinamon naman ni Medina ang mga jeepney transport groups na patunayan na bumababa ang kanilang kita sa pamamasada base sa kalidad ng makina ng kanilang mga jeep. Dapat umanong ipasailalim sa “certified automotive engineers” ang kanilang mga makina at kumuha ng sertipikasyon na maayos ang kundisyon nito para makapamasada.
Ayon kay Medina, inamin mismo ng mga jeepney drivers sa isa nilang pulong sa LTFRB na kaya lamang tumakbo ng 4-6 kilometro kada isang litrong diesel ng kanilang mga jeep kaya nakikita na hindi nama-maximize ang ikinakarga nilang krudo na dapat sana’y aabot ng 8-10 kilometro sa maayos na makina at 12-18 kilometro sa bagong sasakyan kada isang litrong diesel.
Matatandaan na huling nagtaas sa presyo ng diesel nitong Hulyo 12 ng P1.50 kada litro habang sinasabi ng Department of Energy na maaring tumaas muli ito ngayong linggo.
- Latest
- Trending