Traffic enforcer utas sa hinuling riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang traffic enforcer at nasa kritikal naman na kondisyon ang kasamahan nito nang pagbabarilin ng riding-in-tandem matapos na hulihin ng mga biktima ang mga suspek dahil sa isang paglabag sa batas-trapiko kamakalawa sa Navotas City.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Crisanto Roxas, 42, ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Navotas City Hall, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa katawan buhat sa kalibre .45 baril.
Ginagamot naman sa nabanggit na pagamutan ang isa pang biktima na si Charlston Lazuriaga, 28, kasamahan ni Roxas na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco kay Senior Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng pulisya sa Navotas ang mabilisang pag-aresto laban sa suspek na nakilala sa pangalang Joel Castillo, ng Patria St., Balut, Tondo, Manila at isa pang hindi nakilalang lalaki na mabilis na tumakas matapos ang insidente sakay ng isang Yamaha Mio (UM-2304).
Ayon sa inisyal na report ng Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng hapon sa panulukan ng Lapu-Lapu Avenue at M. Naval St., Brgy. NBBS ng naturang lungsod.
Kasalukuyang nag-aayos ng daloy ng trapiko ang dalawang biktima nang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ni Castillo.
Nang malapit na ang mga ito sa kinatatayuan ng dalawang biktima ay bigla na lamang binunot ng angkas ni Castillo ang dalang baril at saka pinagbabaril ang dalawang traffic enforcers at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.
Bago ang insidente, una umanong hinuli ng mga biktima ang suspek na si Castillo dahil sa angkas nito nang walang suot na helmet na mahigpit na ipinagbabawal sa nasabing lungsod.
Sinagot naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin na gagamitin ng dalawang biktima partikular na ang paglilibingan ni Roxas.
- Latest
- Trending