13-anyos binoga sa ulo ng 16-anyos
MANILA, Philippines - Napatay ang isang 13- anyos na binatilyo ng sariling pinsan na 16-anyos habang naghahapunan, kasama ang kani-kanilang kapatid sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng bala ng pen gun sa ulo si John Carl Sarmiento, 2nd year high school student ng H. Sta. Teresita Street, Sampaloc, Maynila.
Naiturn-over na ni Manila Police District-station 4 chief, Supt. Jemar Modequillo ang suspect na itinago sa pangalang Arden na sinasabing kasama sa bahay ng biktima.
Sa ulat ni SPO2 Benito Cabatbat, ng MPD-Homicide Section, dakong alas-6 ng gabi habang kumakain ang biktima, mga kapatid at ilang pinsan kasama ang suspek nang mabaril ito sa ulo.
Ikinagalit ng isang 14- anyos na kapatid ng suspect nang tumingin ng masama ang biktima.
Hinawakan pa ng biktima ang kaniyang tenga bago narinig nila ang putok at nahulog ito sa silya na may umaagos na dugo sa mukha nito.
Hindi naman narinig na nag-aaway ang magpi-pinsan kaya nagulat sila sa nangyari.
Mabilis din lumabas ng bahay ang suspect at kapatid nito para magpasaklolo sa mga kapitbahay at dalhin ang biktima sa ospital.
Sa depensa ng suspect, aksidente lang na pumutok ang baril at hindi niya sinasadya.
Nang tanungin hinggil sa baril, nabili niya ito sa kaibigan sa halagang P200.
- Latest
- Trending