NCRPO handa na sa SONA
MANILA, Philippines - Handa na umano ang buong puwersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at limang distrito nito sa paglalatag ng seguridad sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa darating na Hulyo 25.
Naatasang mamuno sa PNP Super Task Force “Kapayapaan” si NCRPO chief, Director Allan Purisima na direktang mamahala sa lahat ng preparasyon sa seguridad at operasyong pulisya sa Metro Manila. Makikipagkoordinasyon rin ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan para mabatid ang mga panganib na maaaring lumutang isang linggo bago ang SONA.
Una nang pinahigpitan ng NCRPO ang pinaiiral na “police visibility” at “checkpoints” sa mga kritikal na lansangan habang mas palalakasin rin ang police mobile patrol para sa naturang okasyon na kasabay rin ng pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng 15th Congress.
Tinatayang 1,500 tauhan ng Civil Disturbance Management Group buhat sa limang police districts ang ikakalat bukod pa sa tauhan ng NCRPO at mga tulong buhat sa National Support Units (NSU), PNP National Headquarters, PNP Directorial Staff, Police Regional Office 1, 2, 3, 4A at 5 na maaaring umabot ng higit sa 10,000 tauhan.
Nagsagawa na ng unang security briefing ang PNP at NCRPO sa Camp Crame kung saan inilatag rin ni Quezon City Police District director, Chief Supt. George Regis ang kanilang plano para sa inaasahang kilos-protesta.
- Latest
- Trending