Pulis na sugatan sa responde, pumanaw na

MANILA, Philippines - Binawian na ng buhay kahapon ng madaling-araw ang isang pulis na nabaril sa pag­responde sa isang babaeng hinoholdap noong Hulyo 9 sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide dakong alas-3 ng madaling-araw kahapon (Hulyo 15) nang ideklarang patay sa Tondo General Hospital ang biktimang si PO2 Arnel To­rillos, nakatalaga sa National Capital Re­gional Police-Office-Regional Headquarters Support Group (NCRPO-RHSG) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Paliwanag ni Macaraeg, gumapang umano ang bala sa katawan ng biktima na iki­namatay nito.

Sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw noong Hunyo 9 napahinto si Torillos habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa panulukan ng Tigbasan St. C.P. Garcia Sts., Tondo, nang ma­pansin ang isang babae na hinoholdap. Habang papalapit upang ru­mesponde ay agad siyang pinaputukan sa kanang hita ng di-nakilalang suspect, kaya bigo siyang madakip ito at tuluyang makatakas.

Patuloy naman ang imbestigasyon para sa ikada­rakip ng suspect.

Show comments