Pulis na sugatan sa responde, pumanaw na
MANILA, Philippines - Binawian na ng buhay kahapon ng madaling-araw ang isang pulis na nabaril sa pagresponde sa isang babaeng hinoholdap noong Hulyo 9 sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide dakong alas-3 ng madaling-araw kahapon (Hulyo 15) nang ideklarang patay sa Tondo General Hospital ang biktimang si PO2 Arnel Torillos, nakatalaga sa National Capital Regional Police-Office-Regional Headquarters Support Group (NCRPO-RHSG) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Paliwanag ni Macaraeg, gumapang umano ang bala sa katawan ng biktima na ikinamatay nito.
Sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw noong Hunyo 9 napahinto si Torillos habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa panulukan ng Tigbasan St. C.P. Garcia Sts., Tondo, nang mapansin ang isang babae na hinoholdap. Habang papalapit upang rumesponde ay agad siyang pinaputukan sa kanang hita ng di-nakilalang suspect, kaya bigo siyang madakip ito at tuluyang makatakas.
Patuloy naman ang imbestigasyon para sa ikadarakip ng suspect.
- Latest
- Trending