Operasyon ng LRT 1, nabalam dahil sa sunog
MANILA, Philippines - Ilang sandali natigil ang operasyon ng LRT 1 mula Baclaran hanggang Central Terminal sa Arroceros, Maynila kahapon matapos ang sunog na naganap sa Pasay City.
Dalawang gusali at isang music lounge sa Taft Avenue, Pasay City ang tinupok ng sunog dulot umano ng paglalaro ng apoy ng isang bata, kahapon ng umaga.
Dakong alas-7 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa paupahang gusali na pag-aari ng isang negosyante na nakilala sa pangalang Jun Ramirez.
Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa mahagip rin ang isa pang gusali at isang music lounge na nasa tapat ng paupahang gusali.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa naturang insidente makaraang agad na makalabas ang mga residenteng naninirahan sa naturang mga gusali.
Sa inisyal na imbestigasyon, may kuwentong nakarating sa mga arson investigators na posibleng nagsimula ang sunog dahil sa paglalaro ng apoy ng isang bata sa ikaapat na palapag sa paupahang gusali.
Makapal na usok ang ibinuga ng apoy dahilan upang pansamantalang ihinto ang operasyon ng LRT.
- Latest
- Trending