2 pang trader binoga ng riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Dalawa na namang negosyante, isa rito ang nasawi habang ang isa ay nasa kritikal na kondisyon makaraang pagbabarilin ng riding-in- tandem sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at sa Malabon.
Sa lungsod Quezon patay ang negosyanteng si Delfin Sevilla, alyas Hapon Kodyak, 46, ng Dakila Ext., Brgy. Batasan ng nasabing lungsod.
Ang mga suspect na pawang mga nakasuot ng jacket na itim at sakay ng isang motorsiklo ay mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa isang auto repair shop sa kahabaan ng IBP road, corner Kalayaan Avenue, Brgy. Batasan ganap na alas-11:30 ng gabi.
Diumano, nagpapa-repair ng head light ng kanyang sasakyan ang biktima sa naturang shop nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki.
Mula rito ay agad na bumaba ang angkas ng motorsiklo saka nagbunot ng baril na kalibre 45 at pinaputukan ang biktima, bago muling sumakay sa naturang sasakyan at tumakas.
Ayon sa mga residente, mabilis umano ang pangyayari at hindi na nila natukoy pa ang plaka ng motorsiklo ng mga suspect.
Samantala, patawirin ang buhay ng isang 24-anyos na babaeng negosyante makaraang pagbabarilin din ng riding-in-tandem kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Pilit na isinasalba ngayon ng mga manggagamot ng Manila Central University Hospital ang biktimang nakilalang si Ma. Concepcion Cruz, meat dealer at naninirahan sa Brgy. Conception, ng naturang lungsod.
Dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Malabon Central Market sa may F. Sevilla Street, Brgy. Tañong. Kararating lamang sa palengke ng biktima kasama ang mister na si Soldeo Cruz, 41, lulan ng kanilang Toyota Altis (XBE-586) nang biglang sumulpot ang mga salarin at agad na paputukan ang biktima na tinamaan sa sikmura.
Mabilis na pinaharurot ng mga salarin ang sinasakyang motorsiklo sa pagtakas habang agad na isinugod ng mister na si Soldeo ang misis sa pagamutan.
Kamakailan lamang, dalawa pang trader sa Quezon City ang inambus din ng riding-in-tandem na hindi naman mabatid kung ano ang motibo ng mga ito.
- Latest
- Trending



















