Bombay inakyat-bahay, pati aso tinangay

MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Bombay ang biniktima ng ‘Akyat Bahay gang’ at pati ang kanyang alagang aso ay tinangay ng mga kawatan sa Mandalulong City, kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima na dumulog sa Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong police ay nakilalang si Simmardeep Singh B. Srah, residente ng San Rafael St., Brgy.Plainview ng nasabing lungsod.

Sa testimonya ng biktima, sinabi nito na nagising siya ng ganap na alas-5:00 ng umaga at nakitang sira-sira na ang main door ng kanyang tahanan at nawawala na ang kanyang pera na P150,000 at mga importante nitong kagamitan.

Kabilang sa mga tina­ngay ng mga kawatan ay ang kanyang Samsung TV, computer, laptop, Nike shoes, dalawang cellphone at iba pa. Hindi rin umano pinatawad ng mga magnanakaw at kasama sa dinala ang kan­yang alagang isang “Pome­ranian dog” na nagkakahalaga ng P10,000.

“Pati ang aso ko, napa­mahal na sa akin dahil sa tuwing umuuwi ako ng tahanan ay siyang sumasalubong sa akin ay tinangay din,” anang biktimang negosyante.

Show comments