Ex-brgy. chairman tinambangan

MANILA, Philippines - Tinambangan at napatay ang isang dating barangay chairman habang lulan ng motorsiklo angkas ang misis nito sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Insp. Arand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Medardo Antazo, dating Punong Barangay ng Brgy. 255 Zone 23 , 2nd District at residente ng Quiricada St., sa Tondo.

Sa sketchy report, pawang nasa 20 hanggang 30 anyos lamang ang apat na suspect na pawang riding in tandem, ang sangkot sa pamamaril sa likod ng ulo ng biktima, na mabilis ding nagsitakas.

Nabatid na dakong alas- 8:15 ng umaga naganap ang krimen sa panulukan ng Rizal Avenue at Quiricada St., sakop ng Sta.Cruz, Maynila.

Bigla umanong sumulpot ang mga suspect habang binabagtas ni Antazo ang kahabaan ng Quricada St. at binaril ito. Masuwerteng hindi tinamaan ang misis na noo’y ihahatid sana sa Manila City Hall.

Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktima kung saan ito dineklarang dead- on-arrival. Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

Show comments