MANILA, Philippines - Umapela ang kampo ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang elections protest na isinampa ni dating mayoral candidate Lito Atienza matapos itong mabigo na maipaliwanag ang pagiging lehitimo ng kanyang protesta.
Ayon kay Secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas, makikitang nais ni Atienza na patagalin ang protesta upang gamitin sa kanyang mga pagpapalabas ng pahayag ng walang sapat na batayan.
Sinabi ni Garayblas na ipinakita ng resulta na si Atienza ay nakakuha lamang ng 181,094 boto kumpara sa nakuha ni Lim na 395,910.
Nabatid pa kay Garayblas na mismong sa sinasabing balwarte ni Atienza ay nanguna si Lim sa halalan laban dito.
Samantala, sa memorandum na inihain sa Comelec ni Atty. Alicia Risos-Vidal, sinabi nito na dapat lamang na idismiss ang protesta ni Atienza dahil pareho lamang ang resulta ng elections sa recount na ginawa bunsod ng protesta.
Giit pa ni Vidal, bigo din si Atienza na maglabas ng ebidensiya hinggil sa sinasabi nitong iregularidad at pandaraya sa nakaraang halalan noong May 2010.