Negosyante itinumba sa loob ng bahay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 46-anyos na negosyante makaraang pasukin ito sa loob ng kanyang bahay at pagbabarilin ng nag-iisang suspek, kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa tiyan ang biktimang nakilalang si Dionisio Dioquino, ng B. Francisco St., Brgy. New Zaniga, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, abala sa pamamahala sa kanyang mga tauhan ang biktima sa kanyang tindahan dakong alas-7:30 ng umaga nang pumasok ito sa loob ng bahay.
Ayon sa mga tauhan nito, nakarinig umano sila ng pagtatalo sa loob ng bahay hanggang sa umalingawngaw ang tatlong magkakasunod na putok ng baril.
Humahangos na lumabas ng bahay ang hindi nakilalang suspek na may taas umanong 5’9’’, nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Mabilis na tumakas ang salarin lulan ng itim na Honda XRM motorcycle na walang plaka at pinaharurot ito tungo sa direksyon ng Boni Avenue.
Blangko naman ang mga awtoridad sa motibo ng naturang pamamaslang dahil sa wala umanong kilalang kaaway ang biktima.
Hinihinala naman ng pulisya na maaaring personal ang motibo ng naturang krimen.
- Latest
- Trending


















