Carjacker/killer ng yoga student, galamay ng Dominguez brothers
MANILA, Philippines - Miyembro rin umano ng kilabot na ‘Dominguez carnapping group’ ang umano’y nakapatay kay Teresita Teano, isang yoga student sa isang insidente ng carjacking sa lungsod Quezon noong nakalipas na buwan.
Ito ang inihayag kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. George Regis sa isang press conference sa Camp Karingal kung saan kinilala ang suspect na si Rolando Talban, alyas Reynaldo Fernandez at Joel.
Si Talban din anya ay miyembro ng ‘Dominguez carnapping group’ na pangunahing suspect sa pagpatay kay Venson Evangelista na sinunog ang bangkay at itinapon sa Brgy. Buliran, Cabanatuan City noong Enero ng kasalukuyang taon.
Sa kaso ng pagpatay kay Teano ay tinukoy si Talban na siyang gunman noong umaga ng Hunyo 15 sa may T. Gener St., corner Kamuning Road, Brgy. Kamuning.
Dahil dito, dagdag ng opisyal, aktibo pa rin umano ang naturang grupo sa kabila ng pagkakapiit ng dalawang pangunahing lider nito na sina Roger at Raymond Dominguez, base sa huling pangyayari kay Teano.
Isinalarawan ni Regis si Talban bilang “player” ng carnap group na pangunahing gumagawa ng aktuwal na carnapping at carjacking sa target na sasakyan. Pangunahing lugar na ginagalawan ni Talban sa kanyang operasyon ang Metro Manila at karatig probinsya.
Nabatid sa ama ni Teano na si dating DILG Region 1 Director Atty. Odon Teano na si Talban ay nahaharap sa kaso ng pagpatay kay Evangelista na ngayon ay hawak na ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 215 at isa pang carnapping case sa ilalim ng QC RTC Branch 85.
Ang kaso ni Talban sa RTC 85 ay carjacking ng isang sports utility vehicle (SUV) noong October 2010. Dito ay malubhang nasugatan ng miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) si Talban at patay naman ang isang kasamahan nito, habang dalawa pa sa kanyang mga kasamahan ang nakatakas.
- Latest
- Trending