Flyover hindi underpass sa binabahang Araneta-Quezon Avenue - MMDA
MANILA, Philippines - Tuluyan nang kinontra ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag lalagay ng “underpass” sa kanto ng Araneta at Quezon Avenue kung saan mas mainam umano na “flyover” ang ilagay sa binabahang lugar.
Nagpadala ng pormal na liham si MMDA Chairman Francis Tolentino kay DPWH Secretary Rogelio Singson kung saan hiniling nito na ikunsidera at pag-aralan pang mabuti ang P430 milyong proyekto.
Dapat umanong bigyang pansin ni Singson ang matinding pagbabaha sa naturang lugar na umabot ng hanggang bewang at sa ibang lugar ay lagpas tao ang baha nitong matinding pag-ulan dulot ng bag yong Falcon.
Nauna nang inilagay ng MMDA ang Araneta-Talayan area na isa sa lugar na mabilis bahain, bukod pa sa mga lugar ng Don Bosco/Dela Rosa sa Makati at mga mababang lugar sa Camanava area at España sa Maynila.
Mas magiging epektibo umano at walang bahid ng kuwestiyon kung “flyover” ang ilalagay sa naturang lugar kaysa sa underpass na pinangangambahan ng marami na mapuno ng tubig-baha tuwing umuulan.
Sinabi ng MMDA chief na hinihintay na lamang niya ang kasagutan ni Singson sa ipinadala niyang liham na humihiling na ikonsidera muna ang kanyang mungkahi upang hindi makadagdag ang problema sa pagbabaha sa naturang lugar.
- Latest
- Trending