MANILA, Philippines - Upang mas maging mabilis ang komunikasyon at matiyak ang seguridad, inatasan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim si City Security Force (CSF) chief Ret. Maj. Nicolas Amparo na lagyan ng radio transceiver units ang anim na ospital ng city government.
Ito’y matapos na ibigay nina 3rd district chairperson Thelma Lim, 168 Mall administrator Delfin So at ng Manila Friendship Lions na pinangungunahan nina president Willy Chua Kim Tong at dating pangulo na si Anthony Gonzalo ang 40 units ng radio equipments.
Agad ding inabisuhan ni Lim si city general services office chief, Leanie Sanding na irecord ang mga radio transceiver units upang malaman kung kanino naka-assign ang mga ito.
Ayon kay Lim malaking tulong ang donasyong radio transceiver dahil mas madali ang komunikasyon ng mga CSF personnel sa mga ospital.
Ipamamahagi ang radio transceiver sa mga CSF na nakalataga sa Ospital ng Maynila, Jose Abad Santos Mother and Child Hospital, Ospital ng Tondo, Gat Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at sa Sta. Ana Hospital.
Matatandaan na nagkaroon ng nakawan ng sanggol sa ilang ospital na pinatatakbo ng pamahalang lungsod.