Daan-daang smokers huli sa 1st day ng smoking ban
Manila, Philippines - Nasampolan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang daan-daang mga motorista, pasahero at iba pa na naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa unang araw ng implementasyon ng “smoking ban” sa Metro Manila.
Sa 11:30 am update ng MMDA-Public Affairs Section, umaabot sa 163 katao na ang nahuhuli ng kanilang mga enforcer sa paglabag sa “smoking ban” habang nasa 130 katao naman ang naaresto dahil naman sa “anti-littering drive” ng ahensya.
Kahapon, unang pumuwesto ang mga tauhan ng MMDA para manghuli sa Monumento sa Caloocan City; Cubao-Farmers at POEA-Robinson’s Galleria sa Quezon City; EDSA-Pasay Rotunda sa naturang lungsod.
Bitbit ng mga enforcers ng MMDA ang mga karatula ng implementasyon ng “smoking ban”, ang multa na babayaran ng kanilang mga mahuhuli. Marami naman sa mga naaresto at natikitan ng mga enforcers at ikinatwiran na hindi nila alam ang batas laban sa paninigarilyo na ipinatutupad. Ito’y sa kabila ng isang buwang “information campaign” ng MMDA na nag-umpisa noong nakaraang buwan ng Hunyo.
Nahaharap sa P500 multa o walong oras na community service base sa isinasaad ng Tobacco Regulation Act at mga lokal na ordinansa laban sa paninigarilyo.
- Latest
- Trending