'Tulak' itinumba ng mga kosa
MANILA, Philippines - Isang hinihinalang tulak ng iligal na droga ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng umano’y mga dating kasamahan nito sa sindikato dahil sa umano’y pang-oonse ng biktima, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Patay na nang idating sa pagamutan ang biktimang si Ronald Rejano, 26, ng Saint Joseph St., Balagbag, Merville sanhi ng malalim na saksak sa tiyan.
Isinugod naman sa Pasay City General Hospital makaraang madamay at tamaan ng ligaw na bala ang 15-anyos na si Reymart Villanueva. Unang pinaputukan si Rejano na hindi tinamaan at tumama ang bala kay Villanueva.
Sa ulat ng Pasay Police, naganap ang insidente dakong ala-1 kamakalawa ng hapon sa may Balagbag, Merville, ng naturang lungsod. Naglalakad na mag-isa si Rejano nang biglang paputukan ng mga hindi nakilalang salarin.
Nagawa namang makatakbo ni Rejano ngunit inabutan ito ng mga salarin sa harap ng isang tindahan sa may Daop Palad St. kung saan dito ito pinagsasaksak.
Ayon sa imbestigasyon, nabatid na nagtakbo umano ang biktima ng ilang bulto ng iligal na droga na ipinagkatiwala sa kanya na ibenta ng sindikato na may operasyon sa hangganan ng Parañaque at Pasay City.
- Latest
- Trending