Judge, trader sugatan sa holdap
MANILA, Philippines - Isang judge at isang negosyante ang kapwa nasa malubhang kalagayan makaraang barilin ng limang hindi nakikilalang kalalakihang nangholdap sa isang restaurant kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kasalukuyang ginagamot sa Manila Central University Hospital (MCU) sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Reynaldo Sayo, 40, negosyante, ng Camba St., Moriones, Tondo, Manila at Judge Romeo Rabaca, ng MTC Branch 25, bunga ng tinamong tama ng bala ng baril sa kaliwang kamay.
Natangay naman kina Evangeline Que, negosyante, ang P80,000 na halaga ng salapi at P70,000 naman na cash ang nakuha kay Gina Cupcupan.
Sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan-PNP, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Tony’s Fastfood and Restaurant na matatagpuan sa 8th Avenue, Caloocan City.
Ayon sa ulat, kasalukuyang kumakain ang mga biktima sa naturang restaurant nang bigla na lamang pumasok ang limang armadong suspect sabay deklara ng holdap.
Isa-isang pinadapa ng mga holdaper ang mga biktima saka kinapkapan ang mga ito at kinuha ang malaking halaga ng salapi kina Cupcupan at Que. Sapilitan namang kinuha ng mga suspek kay Judge Rabaca ang .45 kalibre na baril at cellphone nito.
Habang papatakas ang mga suspek ay nadaanan ng mga ito sa labas si Sayo na nakaupo sa motorsiklo kaya’t nilapitan ng mga ito ang huli saka kinuha ang motorsiklo subalit tumanggi ang biktima dahilan upang barilin ng isa sa mga holdaper.
Matapos ang insidente, dinala naman sa nasabing pagamutan sina Rabaca at Sayo, samantalang nagtungo naman sa nasabing himpilan ng pulisya sina Cupcupan at Que upang i-report ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending