Mag-amang Ampatuan tinutulan ang pagiging witness ng 1 sa suspects
Manila, Philippines - Hinaharang ng mag-amang Ampatuan ang mosyon ng prosekusyon para maging state witness ang isa sa mga akusado sa kasong multiple murder kaugnay ng Maguindanao massacre.
Sa opposition na inihain ng abogado ng mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Andal Ampatuan Jr. na si Atty. Sigfried Fortun, binigyang-diin nito na kung aaprubahan ng korte na ma-discharge si Sukarno Badal bilang isa sa mga akusado ay mababalewala ang panuntunan para sa mga state witness.
Si Badal na itinuro ng tatlong saksi na isa sa mga pumatay sa 57 biktima ng masaker ay dating saksi sana para sa mga Ampatuan pero lumipat ito sa prosekusyon.
Binigyang-diin ng kampo ng mga Ampatuan na hindi umano karapat-dapat na maging state witness si Badal dahil hindi ito least guilty sa kaso kung paniniwalaan ang testimonya ng mga saksi. Sinabi pa ng oposisyon na kung tatanggapin bilang state witness si Badal ay lalabas na may umiiral na prosecutional favoritism at special treatment dito.
- Latest
- Trending