Lolo nilooban saka pinatay
MANILA, Philippines - Isang 83-anyos na lolo ang sinaksak at napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin na nanloob sa ginagawang bahay ng una sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital si Gregorio Bondoc, biyudo at residente ng Interior 6, Perla St.,Tondo, Maynila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng ginagawang bahay ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, natutulog na umano si Bondoc sa sofa, na nasa unang palapag ng gusali nang atakihin ng hindi pa kilalang suspect. Sinabi ng apo ng nasawi na si Nackley, 24, nakaidlip siya sa ikatlong palapag nang makarinig ng mga tahol ng aso kaya mabilis na tinungo ang ibabang bahagi ng bahay at doon nadiskubreng duguan at may apat na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang kanyang lolo.
Isinugod nila ito sa ospital subalit bigong maisalba pa ang buhay. Sinabi ni Nackley na dakong alas-9 ng gabi nang makita niya ang lolo na nagtapon ng basura sa labas ng bahay na regular nitong ginagawa.
Nang matulog na umano siya ay alam niyang matutulog na rin sa ibaba ang biktima at hindi niya inakalang magaganap ang krimen.
- Latest
- Trending