4 na sunog naitala sa kabila ng malakas na pag-ulan
MANILA, Philippines - Apat na sunog ang magkakasunod na naganap nitong Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling-araw sa San Juan at Marikina City sa kabila nang pagbuhos ng malakas na ulan.
Tatlong sunog ang sumiklab sa Marikina City sa kabila nang pagiging abala ng mga residente sa paglikas dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa Marikina River.
Dakong alas-8:00 ng gabi ng Biyernes nang maganap ang sunog sa isang bahay na nasa Sitaw St., Purok 4, sa Brgy. Malanday. Umabot lang naman ito sa 1st alarm at agad itong naapula ng mga pamatay-sunog dakong alas-8:40 ng gabi.
Bago pa man makaalis ang mga bumbero ay isa pang sunog ang naganap sa kabila lamang na kalye ng Sitaw St., dakong alas-9:30 ng gabi, at naapula ng alas-11:00 ng gabi. Habang ang ikatlong sunog ay sumiklab ng alas-11:28 ng gabi na umabot sa ikaapat na alarma at naapula dakong ala-1:30 ng madaling- araw, sa Buselak St., sa Brgy. Malanday.
Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa mga naganap na sunog. Iniimbestigahan pa ng mga pamatay-sunog kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Sa San Juan City, dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang maganap ang sunog sa Tabernacle of Faith Christian Academy na matatagpuan sa kahabaan ng J. Ruiz St., sa Brgy. Salapan sa San Juan.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa conference room na nasa ikatlong palapag ng naturang eskuwelahan. Sa kabila umano ng malakas na pag-ulan ay sumiklab ang sunog na pinagtulungang apulain ng mga pamatay-sunog kahit pa nakalubog sila sa tubig-baha. Dakong ala-1:42 ng madaling araw nang tuluyang maapula ang apoy na tumupok sa mahigit kumulang sa kalahating milyong pisong halaga ng mga ari-arian.
- Latest
- Trending