Internet shop nilooban
MANILA, Philippines - Aabot sa P160,000 halaga ng ari-arian ang tinangay matapos sa looban ng mga di-kilalang lalaki ang Internet shop sa Quezon City kahapon. Ayon kay PO3 Jesus Saguibo, pinagnakawan ang Livewire Internet Cafe sa #515 B. Serrano Road sa Baranggay San Roque, Project 4. Natuklasan na lang ni Reyman Nicolas, 37, na nawawala na ang mga aksesorya ng kanyang shop matapos itong pumasok bandang alas-5:30 ng madaling-araw. Natangay sa shop ang 10 yunit ng CPU at 10 yunit ng flat screen monitor na may halagang P160,000. Nabatid na nagawang mapasok ng mga kawatan ang shop matapos wasakin ang dalawang padlock ng steel gate gamit ang bolt cutter. Isang saksi ang nakakita sa Tamaraw FX na may plakang VET-189 na nakaparada sa harap ng shop bago ang insidente na pinaniniwalaang ginamit na getaway vehicle.
- Latest
- Trending