MANILA, Philippines - Naaktuhan ng mga tauhan ng barangay ang tatlong lalaki habang pinipilahan ang isang dalagita sa loob ng kariton, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakadetine ngayon sa Pasay City Police detention cell ang dalawa sa mga suspek na sina Christian Puban, 18, ng E. Rodriguez St., Malibay, at Jeramy Arnaiz, 21, ng #4 Datson St., Fairview, Quezon City habang nakatakas naman ang isa pang suspek na 12-anyos na pawang mangangalakal ng basura.
Nakatakdang isailalim naman sa medico legal examination ang 14-anyos na biktima na itinago sa pangalang Jane.
Sa ulat ng Pasay Police-Women’s and Childrens Desk, nagroronda ang mga barangay tanod ng Malibay nang mamataan ang kariton na umuuga sa ilalim ng Metro Rail Transit (MRT).
Nang kanilang usisain, bumulaga sa kanila ang isa sa mga suspek na nakakubabaw sa biktima habang nakatakip sa mga katawan ang manipis na kumot.
Agad na inaresto ng mga tanod ang naaktuhang suspek habang nadakip din ang isa pang kasamahan nito ngunit nagawang makatakbo ng menor-de-edad na suspek na kasabwat din sa krimen.
Sa loob ng istasyon, inamin ng mga suspek na ginalaw nila ang biktima dahil sa ibinugaw naman sa kanila ng isang bakla kapalit ng maliit na halaga.