Obrero nilaslas ang leeg
MANILA, Philippines - Patay ang isang 39-anyos na construction worker nang laslasin umano ang leeg nito ng kasamahan sa trabaho, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Idineklarang patay sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Joel Simbaco, ng no. 405 Geronimo St., Sampaloc, Maynila habang suspect naman sa krimen ang kapwa construction worker din na si Jay-R Rosario, 22, ng no. 555 Amelia St., Sampaloc.
Sa ulat ni PO2 Jayson Ibasco ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-4:30-5:00 ng madaling-araw, sa ika-2 palapag ng construction site na matatagpuan sa 427 Geronimo St., sa Sampaloc.
Bago ang insidente, nagtungo sa isang videoke bar ang suspect at biktima kasama ang mga iba pang ka-trabaho. Nabatid na magkahiwalay ang mesa na inupuan ng suspect at biktima.
Nang matapos ang inuman ay nagsibalikan na sa ginagawang gusali ang suspect at biktima na dumiretso umano sa ika-2 palapag.
Wala pang isang oras nang mapansin umano ng isang alyas “Erwin”, kasamahan sa trabaho, na pasuray-suray na lumalabas ng gusali ang biktima na hawak ang kaniyang leeg na may umaagos na dugo, hanggang sa humandusay.
- Latest
- Trending