MANILA, Philippines - Nailigtas mula sa isang prostitution den ang 45 kababaihan kung saan naaresto din ang anim katao na pinaniniwalaang mga bugaw sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act ang mga nadakip na suspect na sina Rolly M. Tadioan, 56; Jovito B. Estrada, 20; Jemel B. Diez, 20; Dionisio S. Camoong, 41, pawang taga-#2061 Edison St., Barangay San Isidro, ng nabanggit na siyudad; Emiliano T. Almira, 58 at Fernando D. Alinsod, kapwa taga Santa Rosa, Laguna.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa operator ng naturang prostitution den na si Joseph Ramos.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ni Chief Supt. Samuel Pagdilao, director, ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) hinggil sa naturang illegal na operasyon.
Napag-alaman, na ilang kababaihan ang ni-recruit mula sa Mindanao at pinangakuan ang mga ito na bibigyan ng trabaho, subalit ang trabahong ibinigay sa kanila ay magbenta ng panandaliang aliw.
Ayon sa isang sex worker, na taga Agusan Del Sur, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang floor manager na si Tadioan ay nag-cha-charge sa mga customer na karamihan ay mga dayuhan ng halagang P3,500 hanggang P10,000, subalit P1,000 lamang ang ibinibigay sa kanila.
Kung kaya’t dakong alas-6 ng gabi nagsagawa ng pagsalakay ang operatiba ng Women and Children Protection Division (WCPD) sa pamumuno ni Supt. Emma M. Libunao sa isang hinihinalang prostitution den, na matatagpuan sa kahabaan ng Edison St., Barangay San Isidro, Makati City.