MANILA, Philippines - Pinatay sa saksak ang isang lalaki habang ito ay nagpapahangin sa labas ng kanilang bahay kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tatlong saksak sa katawan ang biktimang si Edwin Arroz, 29, ng Heroes Del 96, DM Compound, ng nabanggit na lungsod.
Sa pahayag ng ka-live-in ng biktima na si Marilyn Bautista, alas-2:30 ng umaga, nagising sila nang mawalan ng kuryente sa kanilang lugar at dahil sobrang init ay nagpasyang lumabas ng kanilang bahay si Arroz upang magpahangin.
Hindi pa nagtatagal ay muling pumasok ang biktima na duguan na at may mga saksak sa katawan na naging dahilan upang dalhin nila sa nabanggit na pagamutan.
Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.