Nahuhuling violators ng MMDA ipinapaskil sa website
MANILA, Philippines - Upang ipakitang seryoso sa kanilang kampanya laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, ipinaskil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bilang ng mga naaaktuhan at nasisitang mga “Yosi Kadiri” sa kanilang website.
Makikita ngayon sa www.mmda.gov.ph na umaabot na sa 4,786 katao ang nabibigyan nila ng babala dahil sa walang habas na paninigarilyo sa mga pampublikong lugar kabilang na sa mga pampublikong sasakyan.
Nabatid buhat kay MMDA Chairman Francis Tolentino na sa Hulyo pa lamang uumpisahan ng ahensya na aktuwal na manghuli sa mga “smokers” matapos ang isang buwang “information campaign”. Papatawan ng P500 multa ang mahuhuli o katumbas na walong oras na “community service” kung walang maibayad.
Bukod sa mga “smokers”, nakapaskil din sa naturang website ang bilang ng mga Pinoy na walang habas sa nagtatapon ng basura kung saan-saan umaabot na sa 48,178 nitong Lunes (June 13).
Nakapaskil rin sa website ng MMDA ang mga pangalan ng mga “billboard violators” at mga larawan ng mga behikulong nahuhuli sa camera na nag-o-overspeeding sa Commonwealth Avenue.
- Latest
- Trending