Rookie cop utas sa 3 holdaper

MANILA, Philippines - Patay ang isang bagitong pulis makaraang makipagba­rilan sa tatlong holdaper na nag­tangkang mangholdap sa kinakainan nitong restaurant, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Naisugod pa sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang si PO1 Venerando Pantino, 28, nakatalaga sa NCRPO at residente ng Champaca St., Western Bicutan subalit binawian din ng buhay makaraan ang dalawang oras sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala ng kalibre .45 sa leeg at katawan.

Sugatan naman ang isa sa mga holdaper na tinamaan ng baril ni Pantino sa likod at puwitan. Isinugod ito sa Taguig Pateros District Hospital at nakilalang si Michael Nabor, 28, ng Brgy. Central Bicutan habang nakatakas ang dalawa nitong kasamahan.

Sa ulat ng Taguig police, kumakain sa “Kusina ni Mommy restaurant” sa may Bayabas St., Western Bicutan si Pantino dakong alas-7 ng gabi nang pumasok ang tatlong suspect na agad nagdeklara ng holdap.

Napansin kaagad umano ng isa sa mga suspect ang nakasukbit na baril sa baywang ni Pantino kaya’t bago pa man makabunot ang pulis ay pinaputukan na siya ng mga holdaper.

Kahit sugatan, nagawa pang makabunot at makaganti ng putok ni Pantino sanhi upang tamaan si Nabor. Mabilis namang tumakas ang dalawa pang kasama ni Nabor dahil sa pagkakabulilyaso ng kanilang krimen.

Show comments