MANILA, Philippines - Isang 73-anyos na lolo ang patay habang dalawa katao pa ang sugatan nang pamamaril ang isang lalaki sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng QCPD-Station 6, nakilala ang nasawi na si Marcelino Rorsa, ng #536 Tabigo St., Brgy. Commonwealth, habang sugatan naman sina Alexander Sabalsa, 30; at Juliet Delsa, 46, kapwa mga residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon, target umano ng pamamaril ng suspect na nakilala lamang sa pangalang “Waway” si Sabalsa na dati na nitong kaalitan subalit nadamay lamang sina Rorsa at Delsa na pawang tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay PO3 Alden Lassam ng PS6, nangyari ang insidente sa bahay ng biktima ganap na alas 9:30 ng gabi.
Bago ito, papasok umano ng bahay ang biktimang si Sabalsa nang biglang humarang sa daraanan nito ang suspect at agad na siyang pinaputukan nito nang malapitan.
Sa kabila ng natamong sugat, nagawa pang makatakbo ni Sabalsa papasok ng kanyang bahay para makapagtago, pero sinundan siya ng suspect at muling pinaulanan ng bala.
Kasalukuyang natutulog ang mga biktimang sina Rorsa at Delsa sa loob ng bahay na tinamaan din ng bala sa katawan.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na sumibat palayo ang suspect, habang ang mga biktima ay isinugod naman ng kanilang kaanak sa New Era Hospital kung saan idineklarang patay si Rorsa, ganap na alas-10:45 ng gabi.
Patuloy ang pagtugis ng awtoridad sa nasabing suspect.