MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagka-alarma si Manila Mayor Alfredo Lim sa pagtaas ng bilang ng mga drug addict sa lungsod kung saan pinatututukan nito sa mga pulis ang mga drug pusher at hindi ang mga drug user.
Sa ginanap na command conference, sinabi ni Lim na biktima lamang ang mga drug user kung kaya’t dapat na dinadala ang mga ito sa rehabilitation center sa Manila North Cemetery at hindi sa kulungan.
Ayon kay Lim, dapat na paigtingin pa ng mga pulis ang pagbuwag sa mga drug pushers gayundin ang mga manufacturer nito na siyang ugat ng pagdami ng mga addict sa lungsod.
Sa katunayan umano, maaari ring gamiting testigo ang mga drug user upang matukoy ang mga drug pushers at manufacturer. Dahil dito, inatasan ni Lim sina traffic bureau chief Maj. Reynaldo Nava at mobile chief Maj. Edgardo Reyes na magkaroon ng koordinasyon upang matiyak na sapat ang pagpapakalat ng mobile at motorcycle cops upang maproteksiyunan ang mga kabataan lalo na ang mga estudyante.
Sinabi naman ni Manila Barangay Bureau chief Atty. Analyn Buan na nakakalungkot na sa 897 barangay sa lungsod ay wala man lamang isang barangay na masasabing ‘drug free’.
Naniniwala si Buan na kung mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa droga, maaari ring makamit ng ilang barangay sa lungsod ang ‘drug free’ barangay tulad ng ilang barangay sa Quezon City.
Kailangan lamang umano ang koordinasyon ng pulis at mga barangay chairman upang mas madaling matukoy at masugpo ang illegal drugs.