2 NBI officials susundo kay Michael Ray sa US
MANILA, Philippines - Magtutungo sa Amerika sa susunod na linggo ang dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) upang sunduin si dating Sr. Supt. Michael Ray Aquino kasunod ng pag-apruba ng US para sa extradition nito.
Nabatid na inatasan ni NBI Director Magtanggol Gatdula sina NBI Foreign Liaison Division Chief Head Agent Atty. Claro De Castro Jr., at NBI-Airport Division Head Agent Jesus Manapat na magtungo sa Los Angeles upang sunduin at ibalik sa bansa ang dating police official at itinuturong isa sa mga suspect sa pamamaslang kina publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nito na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Ipapadala ng ahensya ang pangalan ng dalawang opisyal ng NBI gayundin ang schedule nang pag-pick up kay Aquino sa US Department of Justice.
Ayon pa rito, aabutin umano ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagproseso ng extradition ni Aquino pabalik ng bansa.
Nabatid na ang Philippine Consulate at ang US-DOJ ang siyang magpoproseso ng extradition at ang US-DOJ naman ang siyang magdadala kay Aquino sa Los Angeles mula sa prison facility sa New Jersey.
Sa pagdating umano ni Aquino sa Los Angeles ay iti-turn over na ito sa NBI.
Pagdating ng dating opisyal sa bansa ay ididiretso umano ito sa headquarters ng NBI hanggang sa magpalabas ng commitment order ang mababang korte laban dito.
Isasailalim din sa normal na proseso si Aquino gaya ng fingerprinting at booking process at mugshots.
Tiniyak din ni Gatdula na walang anumang special treatment na ibibigay kay Aquino.
- Latest
- Trending