2 pulis nakunan ng video na nagsa-shabu
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Francisco Manalo ang manhunt operations upang madakip ang dalawa niyang tauhan na nakunan ng “video footage” na sumisinghot ng hinihinalang iligal na drogang shabu.
Pinasasampahan na rin ng kasong kriminal at administratibo ni Manalo sina PO1 Jonathan Lunzaga at PO3 Gerardo Javier, kapwa nakatalaga sa EPD District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG).
Nabatid na nagsagawa ng “surprised drug test” si Manalo nitong nakaraang Sabado sa 17 pulis na naka-duty sa EPD Headquarters ngunit absent sina Lunzaga at Javier. Negatibo naman ang resulta ng drug test sa 17 pulis.
Matapos ang drug test, ipinakita ng dumating na television crew ng ABS-CBN ang kuha nilang video footage kung saan huli sa akto na gumagamit ng posibleng iligal na droga ang dalawang pulis sa isang lugar sa Pasig City.
Humingi naman ng kopya ng video si Manalo upang magamit na ebidensya laban sa mga pulis na kanya nang ipinahahanap. Nabatid pa na ito na ang ikatlong pagkakataon na nakunan ng video footage ang ilang miyembro ng EPD na gumagamit ng iligal na droga kung saan dalawa pa rito ay sa loob mismo ng istasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending