TV director ng ABS-CBN inatado ng saksak
MANILA, Philippines - Sugatan sa ospital ang isang dating matinee idol at ngayon ay TV director ng isang teleserye ng ABS-CBN network makaraang pagsasaksakin ng isang umano’y naging kaibigan nito sa social network na Facebook dahil sa mainitang pagtatalo sa lungsod Quezon kahapon.
Si Ricardo “Ricky” Rivero, 39, direktor ng teleseryeng ‘Mula sa Puso’ ng ABS-CBN, ay nagtamo ng halos 17 mabababaw na saksak sa katawan at ginagamot ngayon sa St. Luke’s Medical Center, ayon pa sa ulat ng pulisya.
Ang suspect na nakilalang si Hanz Ivan Ruiz, 22, ng Meycauayan, Bulacan, ay agad namang naaresto ng mga operatiba ng pulisya at mga barangay tanod sa lugar, bago dinala sa Quezon City Police Station 10.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa bahay mismo ng biktima sa Masikap St., V. Luna, Brgy. Pinyahan ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Natutulog umano ang biktima sa kanyang kuwarto nang lapitan ito ng suspect na armado ng patalim at biglang pinagsasaksak.
Sinasabing ang suspect ay nakilala lamang umano ng biktima sa pamamagitan ng Facebook at naging maging magkaibigan sa loob ng limang buwan, hanggang sa mapalagayang loob ng una.
Samantala, bagama’t nagtamo ng saksak sa katawan ay nagawa pang makatakbo ng direktor patungo sa kubeta at doon nagtago, pero sinundan siya ng suspect at saka sinakal gamit ang towel.
Dito ay nagawang manlaban ng sugatang direktor at nakalabas ng kanyang bahay saka humingi ng saklolo kina PO2 Anselmo Lazatin at mga barangay tanod sa Brgy. Pinyahan sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga nabanggit na awtoridad at naaresto ang suspect, habang ang biktima naman ay sumakay sa kanyang sasakyan at kusang dinala ang sarili sa Philippine Heart Center kung saan ito binigyan ng paunang lunas.
Ayon pa sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, dinala ng biktima ang suspect sa kanyang bahay matapos na magkita sa may Timog Avenue sa lungsod ganap na alas-11 ng gabi. Bukod dito, bago ang pananaksak ay nagtalo umano ang dalawa nang tumanggi ang biktima na bigyan ng pera ang suspect.
Robbery ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa nasabing insidente dahil narekober kay Ruiz ang laptop at dalawang cellphone ng biktima, gayundin ang isang bag na naglalaman ng ibang dokumento. Nakuha rin ang patalim na itinapon ng una sa fire truck na nasa barangay hall dito.
Tinangka namang kunan ng pahayag ng pahayagang ito ang suspect, pero tumanggi ito sa pagsasabing “masakit na raw ang kanyang ulo at marami nang nagtatanong sa kanya, pero alam daw ni Rivero ang katotohanan sa insidente.”
- Latest
- Trending