PDEA, BJMP nagsanib puwersa
MANILA, Philippines - Dahil sa isyu ng paggamit ng iligal na droga sa loob ng piitan, binuhay muli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pakikiisa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sugpuin ang iligal na aktibidad sa loob ng mga piitan sa bansa.
Ito’y makarang lagdaan nina PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr. at Director Rosendo M. Dial ng BJMP noong Hunyo 10, 2011, ang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong magkaisa ang dalawa para epektibong maipatupad ang anti-drug law, Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa loob ng selda at palibot nito.
Isinulong ni Gutierrez ang MOA signing para buhayin ang tatlong taong kasunduan nito sa pagitan ng PDEA at BJMP na natapos noong April 2011. Ang bagong kasunduan ay hindi lamang nagsusulong para mapigilan ang pagkalat ng droga kundi para masukol na rin ang sinasabing mga drug lords na nagpapakalat nito sa loob ng mga piitan.
Nilinaw ni Gutierrez, tulad ng dating MOA, ang kasalukuyang kasunduan ay mas malakas hanggang ang dalawang panig ay may pagkakaisa para ipagpatuloy ito hanggang sa matapos ang lahat ng problema at desisyunang tapusin na ito.
Tiniyak sa MOA ang pagbibigay ng kaalaman at pakikiisa sa imbestigasyon na gagawin sa anti-drug operations sa loob ng pasilidad ng piitan sa ilalim ng hurisdiksyon ng BJMP. Sa ilalim ng MOA ang PDEA ay awtorisadong magsagawa ng supresang inspections sa mga piitan sa pamamagitan ng koordinasyon na rin ng mga opisyales ng BJMP.
Naglalaan din ang MOA ng katiyakan para sa paglilipat ng mga naarestong drug personalities na pansamantalang nakaditine sa PDEA Custodial Facility para sa karapat dapat ng pasilidad ng piitan base sa ipinapatupad ng batas.
Samantala, tiniyak naman ni Manila City Jailwarden, Sr. Supt. Ruel Rivera na mahigpit ang kanilang seguridad sa lugar kung saan dumadaan sa mahigpit na inspeksiyon ang mga bisita.
Sa katunayan umano ay naglagay pa siya ng ‘walkthrough monitor’ upang masiguro na walang kontrabando na maipapasok sa loob ng piitan. Sakaling nahulihan ng mga iligal na droga, inaaresto nila at kinakasuhan ang mga ito. Hindi na rin umano pinapayagan pa ang mga ito na makabisita sa preso. (Ricky T. Tulipat at Doris Franche)
- Latest
- Trending