Abogado niratrat, patay sa lasing na parak

MANILA, Philippines - Patay ang isang abogado nang pagbabarilin ito ng isang lasing na pulis matapos sawa­yin at awatin ng una ang huli sa pagwawala at naka­kabulahaw sa mga residente kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Atty. Geronimo Fernandez, ng Everglades St., Park Homes Subdivision, Brgy. Tunasan, Muntinlupa City sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa M-16 rifle.

Nakakulong naman sa Muntinlupa City Police ang suspek na si PO3 Odelin Feliciano-Lalu, nakatalaga sa NHA, Brgy. Poblacion Muntinlupa City Police Station at naninirahan sa North Yosi­mite St., Park Homes ng nasabing lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Eduardo­ Rodaje, ng Criminal Investigation Division (CID) ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling-araw sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Everglades Park Homes.

Nabatid na lasing na lasing ang suspek at nagwawala sa kanilang lugar, kung saan nakakabulahaw ito sa mga residente ng subdivision.

Base sa pahayag ng mga testigo na kapitbahay ng biktima, nagising sila sa pag-iingay ng suspek na inakala nilang may kaaway sa kanilang lugar. Tinangka umano nilang pagsabihan ang pulis na huwag maingay dahil sa nakakabulahaw sa mga natutulog na kapitbahay.           

Ngunit hindi umano sila pinansin ng suspek hanggang sa humingi na sila ng tulong sa bik­timang si Atty. Fernandez para awatin sa pagwawala at pag-iingay ang lasing na lasing na pulis.

Bilang pagmamalasakit sa mga residente, lumabas ng bahay ang biktima upang awatin sa pagwawala ang suspek.

Ngunit sa ginawang pagpapatigil ng biktima lalong nagalit at sandaling umalis ang suspek at kinuha nito ang kanyang M-16 armalite rifle at agad na pinagbabaril ang walang kalaban-labang biktima. Nadakip naman ang suspek nang rumespondeng mga pulis at nakumpiska dito ang ginamit na baril.

Show comments