Iniwan ni misis, mister nagpasagasa sa LRT
MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na obrero na sinasabing hindi matanggap ang pag-iwan sa kanya ng misis ang nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagpapasagasa sa Light Rail Transit sa Quezon City kahapon ng umaga.
Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Rodito Alfredo, ng Brgy. Escopa, Project 4, Quezon City, gayunman naputol naman ang kanyang kaliwang braso bukod pa sa tinamong mga pasa sa katawan. Agad itong isinugod sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa ulat, dakong alas- 10:11 ng umaga nang maganap ang insidente sa Cubao Station ng LRT-Line 2, matapos na mula sa platform ay biglang tumalon ang biktima habang paparating ang tren.
Ayon sa mga nakasaksi, matapos na tumalon ang biktima ay agad itong tinulungan ng mga security guard at iniwas sa paparating na tren, gayunman minalas na mahagip at naputol ang kaliwang braso nito.
Nabasag din umano ang windshield ng unahan ng tren dahil sa lakas ng impact ng pagtalon ng lalaki.
Ang insidente ay naging dahilan din ng isang oras na pagkaantala ng operasyon ng LRT Line 2 na biyaheng Cubao patungong Recto Station, dahil kinailangan pang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at alisin ang kamay nito na naiwan sa ilalim ng tren.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing iniwan si Alfredo ng asawa dahil sa wala itong permanenteng trabaho at dahil sa hindi matanggap ang nangyari sa kanya ay inisip na magpakamatay sa pamamagitan ng pagpapasagasa sa tren.
- Latest
- Trending