Pagbasa ng bagong kaso vs Leviste naudlot
MANILA, Philippines - Tila magtatagal pa ang usad ng kasong “evasion of sentence” na isinampa laban kay dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste makaraang mabinbin ang pagbasa ng sakdal matapos na katigan ng Makati Regional Trial Court ang mosyon ng abogado nito na muling magsagawa ng “preliminary investigation”.
Sa pagdinig kahapon sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, pinaboran ni Judge Josefino Subiano ng Makati RTC branch 66 ang apela ni Atty. Joseph Benedict Gesmundo, abogado ni Leviste, na muling ibalik sa Department of Justice ang kaso para sa “preliminary investigation”.
Dahil dito, hindi na muna nagbigay ng takdang araw ang hukuman kung kailan babasahan ng demanda ang dating gobernador at sa halip ay ibinalik na muli ang kaso sa “government prosecutors” dahil sa katwiran ng kampo ni Leviste na hindi man lamang nagkaroon ng preliminary investigation at kaagad na isinampa sa korte ang kaso.
Nag-ugat ang panibagong kaso ng dating gobernador makaraang mahuli siya at ang driver na si Nilo Solis ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Mayo 18 sa ibaba ng gusali na pag-aari niyang LPL Building sa Makati City gayung hindi pa tapos ang kanyang sentensiya kaugnay sa kasong pagpatay sa kanyang kaibigan na si Rafael delas Alas.
Ikinatuwiran ng dating gobernador na hindi niya matiis ang sobrang sakit ng ngipin kaya’t nagpasya siyang pumuslit munang palabas ng piitan upang magpatingin sa sarili niyang dentista.
Si Leviste ay pinatawan ng pagkakabilanggong 12-taon subalit binigyan ng living-out status matapos ilatag ang kanyang mga programa sa NBP kabilang ang pagtatanim ng mga puno sa loob ng anim na taon.
- Latest
- Trending