Guro natagpuang patay

MANILA, Philippines - Isang 41-anyos na guro ang nadiskubreng patay sa loob ng inuupahang kuwarto sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.

Hinihinalang may dalawang araw nang walang buhay ang biktimang si Ross Sarmiento, habang hindi naman binanggit ang paaralan na pinaglilingkuran nito na solong nangungupahan sa 1934 Mt. Apo St., Punta, Sta. Ana.

Sa ulat ni PO2 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang silid ng kasera nitong si London Gumilla, 38. Sinabi ni Gumilla sa imbestigador na noong Martes, dakong 5-ng madaling araw nang makita niyang gumamit ng kanilang common comfort room ang biktima at muling pumasok sa kaniyang silid, na hindi na nakita pang lumabas muli.

Kahapon ay nagtaka na si Gumilla at iba pang tenants kung bakit hindi lumalabas ang biktima kaya kinatok ito at nang walang sumasagot ay lalo silang kinutuban dahil sa masangsang na amoy mula sa silid nito. Humingi ng tulong sa kanilang barangay opisyal si Gumilla para sa pwersahang pagbubukas ng silid nito at doon natukoy na maitim na ang katawan nito at may bakas ng dugo na lumalabas sa ilong nito.

Nakadapa ang biktima, walang saplot pang-ibaba at nakasuot lamang ng sando. Walang nakitang indikasyon na pinahirapan o pinatay ang biktima, gayunman   isasailalim pa rin ito sa masusing imbestigasyon.

Show comments