Trader patay sa holdap
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang holdaper sa loob ng isang shop sa lungsod Quezon.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Arnel Padilla, 36, may-asawa ng #71 Santol St., Brgy. Sto. Niño, sa lungsod.
Ayon sa pulisya, ang mga suspect na mabilis na tumakas ay armado ng kalibre .45 baril at tumangay sa pera at cellphone ng biktima at ng business partner nitong si Ricardo Cacanilao.
Sa pagsisiyasat, lumilitaw na nangyari ang insidente sa loob ng Mobile 101 Auto repair shop malapit sa tinutuluyan ng biktima ganap na alas-12:40 ng tanghali.
Sinabi ni Cacanilao, kasalukuyan silang nagkukumpuni ng sasakyan sa loob ng kanilang shop nang biglang sumulpot ang mga suspect na armado ng kalibre .45 baril at nagdeklara ng holdap.
Agad na tinutukan ang mga biktima ng baril sabay kuha sa kanilang mga cellphone at wallet. Nang paalis na ang mga suspect, biglang nagre-act si Padilla, sanhi upang maalarma ang mga suspect at pagbabarilin siya, bago tuluyang nagsipagtakas.
Mabilis namang itinakbo ni Cacanilao ang biktima sa St. Luke’s Medical Center, subalit makalipas ang ilang minutong gamutan ay idineklara din itong patay bunga ng maraming tama ng bala na natamo nito.
- Latest
- Trending