Kelot lasog sa bus

MANILA, Philippines - Lasog ang katawan ng isang lalake makaraang ma­bundol at masagasaan pa ng isang pampasaherong bus habang ito ay tumatawid kahapon sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay PO2 Perlito Datu ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police, ang biktima ay natukoy sa pama­magitan ng kanyang SSS at ATM card na si  Xavier  Constant  Pacquing­, 50.

Kusa namang sumuko sa awtoridad ang driver na si Jovani Appari, 36 ng Bulacan na nagmamaneho ng  RBM Transport Bus (TXV-437).

Sa imbestigasyon ni Datu, nangyari ang insidente sa may kanto ng EDSA at Aurora Blvd., sa lungsod ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.

Sinasabing tumawid umano ang biktima sa EDSA nang biglang mahagip ito ng nasabing bus. Sa pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sa kalye bago muli itong masagasaan ng gulong ng bus.

Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence resulting to homicide laban sa suspect.

Show comments