200 kilo ng botchang bangus nasabat sa QC
MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagbabawal ng awtoridad na ibenta ang mga isdang bangus na naapektuhan ng fishkill, marami pa ring mga tindero ang nagbebenta nito sa ilang palengke tulad sa Quezon city.
Kahapon ng madaling-araw, umabot sa 200 kilo ng bangus na pinaniniwalaang galing sa lugar na naapektuhan ng fish kill sa Pangasinan at Batangas ang nakumpiska sa muling pagsalakay na ginawa ng veterinary office sa lungsod.
Bigo naman ang pamunuan na maaresto ang mga tindero nito matapos na magpanakbuhan habang isinasagawa ang pagsamsam sa kanilang tindang bangus na kung tawagin ay “Botya”,
Ayon kay City veterinarian Dr. Ana Marie Cabel, patuloy ang gagawin nilang inspeksyon sa lahat ng palengke upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili na maaring maapektuhan ang kalusugan sa sandaling makakain na nasabing botya.
Limang palengke sa Novaliches district ang sinalakay ng nasabing kagawaran na nagsimula pasado alas-5 ng umaga. Sinasabing inihahalo ng mga tindero ang botyang isda sa sariwang isda upang hindi mahalata ng mga mamimili nito.
Ayon kay Cabel, ang mga nasamsam na isda ay nakatakdang ibaon sa lupa para pagdating ng araw ay magsilbing pataba nito.
Samantala, bumuo naman ng estratehiya ang Philippine National Police (PNP) para mapigilan ang pagpasok ng isdang botya na galing Pangasinan at Batangas sa metropolis.
Ayon kay National Capital Region (NCR) police director Chief Supt. Allan Purisima, inatasan na niya ang kanyang kapulisan na manatili sa pagsasagawa ng checkpoints sa mga boundaries ng Metro Manila, gayundin ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga palengke.
Sabi pa ng opisyal, patuloy nila itong gagawin para masiguro na walang isdang galing sa fishkill ang makakapasok sa nasabing lugar.
Naging mahipit ang pagbabantay ng pulisya laban sa botyang isda matapos na kumalat ito sa maraming palengke na hayagang ibinibenta sa murang halaga.
Ayon kay Purisima, inatasan na niya ang kanyang tauhan na tumulong sa local government units bunga na rin ng ulat na maraming tindero ang lumalaban sa awtoridad sa ginawa nilang inspeksyon at pagkumpiska sa mga nasabing isda.
- Latest
- Trending

















