Pulis, 2 holdaper todas sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis at dalawang holdaper makaraan ang isang engkuwentro nang looban ng una ang isang security agency, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Nakilala ang mga napatay na suspect na sina Rowell Masudog, ng Panapasan 2, Tanza, Cavite at Melvin Mabilgas, ng Editorial St., Fourth Estate Subdivision, Parañaque habang arestado naman ang isa sa kasamahan ng mga ito na si Martin Ty, 24, ng Sitio Libjo, Multinational Village, Parañaque; nakatakas naman ang isa pa.
Bagama’t naisugod pa sa Parañaque Medical Center, binawian din ng buhay si PO3 Ulpiano Bulido Jr., nakatalaga sa Police Protection Group sa PNP Headquarters, Camp Crame.
Sa ulat ng Parañaque City Police, isang selebrasyon ang nagaganap sa loob ng tanggapan ng Prime Security Agency na nasa B2 L6 El Puente Buello sa Fourth Estate Subdivision dahil sa pagdiriwang ng kaarawan ng kapatid ng may-ari ng ahensya na si Willie Sta. Romana dakong alas-9 ng gabi nang biglang pumasok ang apat na armadong salarin.
Agad na nagdeklara ng holdap ang mga suspect at tinangay ang P85,000 cash, 14 na kalibre .38 baril ng security agency at mga cellphones ng mga bisita.
Agad na tumakas ang mga ito lulan ng dalawang motorsiklo.
Subalit agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng District Special Operations Group ng Southern Police District kung saan mabilis na nasakote ang mga ito habang papatakas.
Dito na nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa duguang bumulagta ang dalawang salarin at si Bulido.
Nabatid sa imbestigasyon na dating security guard ng ahensya ang nasawing si Mabilgas na nasibak sa trabaho at maaaring ito ang nagplano ng pagsalakay sa dating kumpanya.
- Latest
- Trending



















