Tren ng MRT tumirik ulit
Manila, Philippines - Isang na namang tren ng Metro Rail Transit (MRT) ang hinila makaraang tumirik sa gitna ng riles bago pa man makaabot sa isang istasyon, kaya’t napilitang maglakad na lamang ang mga pasahero nito sa Buendia, Makati City, kahapon ng tanghali.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Administration (LRTA), ang panibagong pagtirik ng tren ay naganap dakong alas-12:57 ng tanghali sa northbound lane ng EDSA, Buendia.
Ani Cabrera, hindi nakarating sa Buendia MRT Station ang tren dahil sa power failure. Dahil dito, napilitan ang mga pasahero na maglakad na lamang patungo sa istasyon, habang hinila naman ang tren dakong ala -1:19 ng hapon.
“Bigla na lang tumigil at hindi na mapaandar ang tren kaya hinila na lamang matapos pababain ang mga sakay na pasahero,” ani Cabrera.
Hindi naman naiwasan ng mga pasahero na mainis sa naturang panibagong aberya na nagdulot ng abala sa kanila. Kaagad din namang naibalik ang normal na operasyon ng MRT nang madala na ang tren sa North Depot.
- Latest
- Trending