Isda galing Navotas, tiniyak na ligtas
MANILA, Philippines - Dahil sa pagkalat ng isdang botcha sa ilang pamilihan sa Metro Manila at karatig probinsiya, tiniyak naman kahapon ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa publiko na ligtas kainin ang mga isdang mabibili sa Navotas Fish Port kahit na nagkaroon ng fish kill sa Batangas at Pangasinan.
Sinabi nito na hindi dapat mangamba ang publiko sa pagbili ng isda sa Navotas Fish Port, dahil tiyak na hindi ito kontaminado ng anumang lason o mikrobyo sa kabila na may malawakang fish kill sa dalawang lalawigan ayon kay Tiangco.
Napag-alaman na ang Navotas Fish Port ang isa sa mga pinakamalaking bagsakan ng isda, kung saan ay nabibili dito ang malakihang bulto ng mga lamang dagat na itinitinda naman sa mga palengke sa Metro Manila at iba pang karatig na lalawigan.
Idinagdag pa ng mayor na 80 porsiyento ng isdang itinitinda sa kanilang fish port ay nagmumula sa Mindanao at Palawan habang ang 20 porsiyento naman ay nanggagaling sa Visayas.
Aniya, lahat ng klaseng isdang ibinabagsak sa Navo-tas Fish Port ay nakatala kung saan ito galing, base na rin sa pamantayan na itinakda sa pangingisda sa bansa.
- Latest
- Trending