Sinibak na warden sa Ampatuan VIP, umalma

MANILA, Philippines - Binasag na ng sinibak na jail warden hinggil sa kontro­bersiya ng “Ampatuan VIP” ang kanyang katahimikan sa pagsasabing duda siya sa mga sinasabing ebidensya na hawak ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangundadatu.

Si Chief Inspector Glenn Val­depenas ay biglang sinibak sa tungkulin matapos ang pahayag ni Mangundadatu na pinayagan si Andal Ampa­tuan Sr. na malayang makalabas at makapasok sa kanyang detention cell sa Que­zon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ipinakita pa ni Mangundadatu ang ilang litrato na ang matandang Ampatuan ay nasa labas ng kanyang selda habang nakaupo sa isang silya.

Gayunman, ayon kay Val­depenas, nasisiguro niya na ang mga litratong nabanggit ay hindi kuha noong panahon niya bilang warden ng bilangguan.Si Valdepenas ay umupo bilang warden noong April 7.

Ayon kay Valdepenas, hindi niya pinapayagan ang sinumang mula sa jail na maglabas masok kahit na may mga guwardiya para magpainit sa araw. Hindi rin binigyan ng tsansa na makapuga ang mga ito.

Ikinatwiran pa nito na ang mga bilanggo ay pinapayagan makalabas ng selda para magpa-araw na parte ng probisyon na kanilang ini-enjoy habang nasa paglilitis. 

Show comments